Saturday, November 28, 2009

Hinagpis Ng Isang Ina*

Galing ako sa isang pamilyang hindi naman super-yaman, eh masasabi nating medyo nakakaangat sa buhay. Biyahero si Itay at si Nanay nama'y mahilig magtinda-tinda.
Magaling na negosyante si Tatay.....si Nanay nama'y nagsimulang magbukas ng maliit na sari-sari store sa harap ng bahay para mapunan ang kanyang oras.
Ayaw niya kasing may masasayang na oras sa bawa't araw...
kaya ayun, ang dati'y maliit na tindahan naging medyo mas malaki pa.
Maraming paninda....maraming namimili, marami ring pautang.



Kaya naman sa paglaki ko, nasanay kami na may masarap na pagkain sa hapag-kainan.
May bagong damit kapag bertdey at Pasko at Bagong Taon. May photo-shoot sa studio kapag bertdey at espesyeal na panahon. Naka-displey lahat yun sa mga album at sa mga frames ng litrato na nakapalibot sa aming living room.




Mahirap pala mag-adjust kapag may asawa ka na. Naranasan kong magtipid nang husto dahil kulang ang suweldo naming dalawa. Lalo na nang nagka-baby kami.




Isa, dalawa...tatlo...apat!
Naku! laking hirap! Kaya naman nag-kontrol na kami pagdating ng apat!
Baka masundan pa, lalong magastos.




Sa pagdaan ng panahon, maraming balakid, pasakit at kung anu-ano pang problema
ang dumating. bagyo nga ba ang dapat sabihin?
Naaah! Mas malala pa sa bagyo...baka katumbas ni katrina o ni Ondoy.
Lahat ng iyon, kayang hamakin. Merong anak na dapat ayusin.




Kahit hikahos, pinalaki ko ang aking mga anak: apat.
Apat na lahat nakapag-kolehiyo at nagsipagtapos nang maayos.
Lahat ng dapat isangla, naisangla. Lahat ng pwedeng utangan, inutangan.
Lahat ng dapat ayusin, inayos nang walang reklamo.
Tiniis pati indulto. Nag-aral para tumaas ang puwesto.
Nagtanim sa paligid ng bahay,pangdaus-buhay:
kamote, saging, ampalaya, papaya, abokado atbp.
lahat ng pwede, sinubukan.
Tuwing Linggo ay farmer sa sariling bakuran.




Dumating ang bagyo. Naglaro ang tadhana.
Nagsikap ang ina.....nguni't hindi ito sapat.




Tapos na pati si Bunso. May mga trabaho na lahat.
Matino at maayos ang trabaho ni Uno at ni Dos.
Isang trabaho sa isang paliparan ang kay Uno.
Si Dos naman ay sa isang parmaseyotiko
at kay bilis ng asenso. Matalino naman kasi, eh.
Tisoy na, sosyal na iskul pa nagtapos!
Ayos, di ba?





Si Tres naman eh, nakabuntis....ayun at nakadalawa na.
Si Bunso'y nagpaalam:
balak na ring magpakasal.
Okey na.....
wala nang problema.
Mabait naman si Tres at Bunso.
Okey na.....




....
sana!


Ang kaso lang...yung si Dos nagpakasal....
ibang "ama at ina" at lumabas sa kasalan.
OO nga't pangalan ko ang nakalista sa imbitasyong
aking natunghayan kani-kanina lang....
Pero sa larawan na nakapaskel sa friendster, hindi ako yun.
Laking bigla at shock ko nang makita ko.
Pinasilip sa akin ng isang may friendster account ang mga album nila.




Ang siste nito...
hindi man ako naimbitahan...
Ni pasabi, ni tawag para ipaalam.
Ni ha...ni ho...wala kahit singko.




Masakit, di ba?
Masakit isipin...masakit sa damdamin.




Ganun ba talaga?
Kapag napatapos mo na ang mga anak mo,
kahit man lang pasabi {kung hindi man ako maimbitahan}
eh wala? Para bang balewala ako sa buhay nila?




Masakit talaga.
Ubod nang sakit.
May mga araw at gabi na iniiyakan ko ito.



May nakapagsabi sa akin na tila ikinahihiya niya ako.
Bakit ganun?
Ano bang masama ang nagawa ko?
Nakakhiya raw dahil sa ang mapapangasawa eh,
miyembro ng Freemasons at
masyadong metikuloso pagdating sa estado ng pamilya.




Mangyari kasi, hindi lahat ng pagsasama ay langit.
Marami rin ang nasa impiyerno o purgatoryo.
Nahihiya man ako, pero yun ang nangyari sa buhay ko.
Habang buhay na lang bang magtitiis ang isang tao?
May hangganan ang lahat ng bagay.


Masyado nang maselan kung iisa-isahin ko pa ang mga
bagay-bagay. Pero sapat na marahil na sabihin na ako ang
tipong mapagtiis. Tiniis ko lahata ng bagay sa mundo
nang walang ibang taong nakakaalam. Namatay at namatay
si Nanay....wala siyang narinig kahit minsan na nagreklamo ako.
Minsan tinanong ako ni Nanay ng:
"Nagpru-problema ka ba? Bakit ganyan ka kapayat?
Parang wala ka nang kinakain ah!"
Sinasagot ko lang ng: "Wala po yun. Okey naman po ako."
Kahit sa iskul kung saan ako nagturo, walang nakakaalam.
Ang buong akala nila, `happily-married' ako.
Yun.....ang akala nila!

:::::



Naalala ko noong nasa High School pa lang siya.
Pag kuhaan na ng report card sa eskwela, sasabihan ako na
"Ma, magbihis ka, ha?"



Alam ko yun, gusto ni Dos na makita akong nakapustura
at hindi naka-uniporme ng titser. {Titser po kasi ako noon}
Kaya naman bitbit ko ang bestida at takong
bago ako magpunta sa kanyang HS sa may Espana, Manila.
Kahit kanda-kumahog ay bilis-bihis at ayos para hindi mapahiya
ang aking anak. Sapat na yung ngiti niya, pagod ko, biglang nawawala.


::::


Ngayon
nagbago na ang panahon.
Ayaw na akong ipakilala sa mga kamag-anak ng napangasawa,
dahil sa masyado raw "respectable" ang pamilya.
Paramg sinabing ang pagkatao ko, eh kasuka-suka.
Isa pa ng dahilan, Ninong daw kasi ang isa sa mga Boss niya.
Marahil nga, sadyang kasuklam-suklam ang kanyang inang nagpalaki
at nagpaaral, naggabay para maging matuwid,
nagbuhos ng luha't sakit para siya isilang sa mundo.
Siya na ayaw ng kanyang amang ipagpatuloy ang pagbubuntis,
siya na ayaw ng ina ng kanyang ama....hindi pa man siya
nailuluwal...siya na sobrang pasaway....
siya na muntik nang bawian ng buhay sa isang freak accident sa
Roxas Blvd. kung saan nagpra-praktis sila ng kanyang team
para sa isang kompetisyon sa dragon boat.
Kung wala ang aking katuwang, eh disin sana'y wala na siya ngayon....
Isang linggo sa ICU, bantay ng mga ka-grupo.
Mga kaibigan ko, nagsidalaw....nagdasal.




Laking pasalamat namin sa kanyang ikalawang buhay.
Ngpa-party kami sa Josephine's sa Roxas Blvd.
[bago ito nagsara] na dinaluhan ng
mga kaibigan niya. Pasasalamat sa 2nd life niya.
Makaraang lumabas sa ospital, nagpaggupit siya ng buhok.
Long-hair tisoy kasi siya dati. Tanong ko sa kanya noon:
"Ba't ka nagpaggupit? Bagay naman, ah!?"
Sagot sa akin: "Siyempre, 2nd life ko na,
bagong image na."
Isip ko noon: ` ay...lalong magiging mabuting bata.'
Isip ko ngayon,...`Bakit nag-iba?'




Hay...buhay!

Ganun pala talaga.






Mayo 26,2007 ng sila ay ikasal.
Nakita ko sa imbitasyon na nakunan ng larawan
[sa friendster].
Ilang buwan....taon na ba ang nakakalipas?
Siguro'y may anak na sila.
Hindi ko alam....baka nga.
Sino kaya ang kamukha? Mabait din kaya?
Ah! maraming tanong.....
pero tanong na walang kasagutan....
Hanggang kelan?
Ewan.





Ni wala silang komunikasyon......
...sulat man o tawag sa telepono.
Pareho naman ang numero sa telepono.
Ni sadyain ako sa bahay, hindi magawa.......
gayung nababalitaan ko naman na
nagpunta pala sa Kamaynilaan ang mga tauhan
ng Kompanya sa kanilang annual convention.
Nagagawa niya yun samantalang noong araw
kapag kailangan ako, isang tawag lang,
nakatakbo na agad ako
sa kanya para gumiya at magpayo.

Saan ba ako nagkamali?





Ganun ba talaga?
Ikinahihiya ang isang magulang kapag lumaki na?
Kung ganun, kawawa ang magulang
sa walang pusong anak.




Inggit ako sa mga anak na mapagmahal...
sa mga anak na malambing.




Iyak na lamang ang aking kapiling.
Kapag naaalala ko sila,
mga anak kong hindi ko nasisilayan
kahit na napakalapit lamang nila....
sobrang lungkot at uha ang aking kaasama.




Nasaan na ba kayo, mga nawawala kong anak?
Bakit?



Sana masaya kayo sa darating na Pasko.
Hindi ko man kayo makita,
iisipin ko na lang,
nag-abroad ka at nang sa gayon,
hindi masyadong masakit isipin
na wala ka na naman....
ngayong Pasko.

Si Uno naman, okey lang.
pero itong asawa eh maramot.
Ni ayaw pasilip ang apo ko sa kanya.
Sana alam ni Uno ang ginagawa ng asawa niya.
Lasa ko, hindi alam....
pero


ewan ko rin.


:::::::::::::::


_________________
*Damdamin ng aking Mader Dear
para sa aking Kuyang tila nagka-amnesia na.
Amen.

No comments:

Post a Comment