Saturday, November 28, 2009

Hinagpis Ng Isang Ina*

Galing ako sa isang pamilyang hindi naman super-yaman, eh masasabi nating medyo nakakaangat sa buhay. Biyahero si Itay at si Nanay nama'y mahilig magtinda-tinda.
Magaling na negosyante si Tatay.....si Nanay nama'y nagsimulang magbukas ng maliit na sari-sari store sa harap ng bahay para mapunan ang kanyang oras.
Ayaw niya kasing may masasayang na oras sa bawa't araw...
kaya ayun, ang dati'y maliit na tindahan naging medyo mas malaki pa.
Maraming paninda....maraming namimili, marami ring pautang.



Kaya naman sa paglaki ko, nasanay kami na may masarap na pagkain sa hapag-kainan.
May bagong damit kapag bertdey at Pasko at Bagong Taon. May photo-shoot sa studio kapag bertdey at espesyeal na panahon. Naka-displey lahat yun sa mga album at sa mga frames ng litrato na nakapalibot sa aming living room.




Mahirap pala mag-adjust kapag may asawa ka na. Naranasan kong magtipid nang husto dahil kulang ang suweldo naming dalawa. Lalo na nang nagka-baby kami.




Isa, dalawa...tatlo...apat!
Naku! laking hirap! Kaya naman nag-kontrol na kami pagdating ng apat!
Baka masundan pa, lalong magastos.




Sa pagdaan ng panahon, maraming balakid, pasakit at kung anu-ano pang problema
ang dumating. bagyo nga ba ang dapat sabihin?
Naaah! Mas malala pa sa bagyo...baka katumbas ni katrina o ni Ondoy.
Lahat ng iyon, kayang hamakin. Merong anak na dapat ayusin.




Kahit hikahos, pinalaki ko ang aking mga anak: apat.
Apat na lahat nakapag-kolehiyo at nagsipagtapos nang maayos.
Lahat ng dapat isangla, naisangla. Lahat ng pwedeng utangan, inutangan.
Lahat ng dapat ayusin, inayos nang walang reklamo.
Tiniis pati indulto. Nag-aral para tumaas ang puwesto.
Nagtanim sa paligid ng bahay,pangdaus-buhay:
kamote, saging, ampalaya, papaya, abokado atbp.
lahat ng pwede, sinubukan.
Tuwing Linggo ay farmer sa sariling bakuran.




Dumating ang bagyo. Naglaro ang tadhana.
Nagsikap ang ina.....nguni't hindi ito sapat.




Tapos na pati si Bunso. May mga trabaho na lahat.
Matino at maayos ang trabaho ni Uno at ni Dos.
Isang trabaho sa isang paliparan ang kay Uno.
Si Dos naman ay sa isang parmaseyotiko
at kay bilis ng asenso. Matalino naman kasi, eh.
Tisoy na, sosyal na iskul pa nagtapos!
Ayos, di ba?





Si Tres naman eh, nakabuntis....ayun at nakadalawa na.
Si Bunso'y nagpaalam:
balak na ring magpakasal.
Okey na.....
wala nang problema.
Mabait naman si Tres at Bunso.
Okey na.....




....
sana!


Ang kaso lang...yung si Dos nagpakasal....
ibang "ama at ina" at lumabas sa kasalan.
OO nga't pangalan ko ang nakalista sa imbitasyong
aking natunghayan kani-kanina lang....
Pero sa larawan na nakapaskel sa friendster, hindi ako yun.
Laking bigla at shock ko nang makita ko.
Pinasilip sa akin ng isang may friendster account ang mga album nila.




Ang siste nito...
hindi man ako naimbitahan...
Ni pasabi, ni tawag para ipaalam.
Ni ha...ni ho...wala kahit singko.




Masakit, di ba?
Masakit isipin...masakit sa damdamin.




Ganun ba talaga?
Kapag napatapos mo na ang mga anak mo,
kahit man lang pasabi {kung hindi man ako maimbitahan}
eh wala? Para bang balewala ako sa buhay nila?




Masakit talaga.
Ubod nang sakit.
May mga araw at gabi na iniiyakan ko ito.



May nakapagsabi sa akin na tila ikinahihiya niya ako.
Bakit ganun?
Ano bang masama ang nagawa ko?
Nakakhiya raw dahil sa ang mapapangasawa eh,
miyembro ng Freemasons at
masyadong metikuloso pagdating sa estado ng pamilya.




Mangyari kasi, hindi lahat ng pagsasama ay langit.
Marami rin ang nasa impiyerno o purgatoryo.
Nahihiya man ako, pero yun ang nangyari sa buhay ko.
Habang buhay na lang bang magtitiis ang isang tao?
May hangganan ang lahat ng bagay.


Masyado nang maselan kung iisa-isahin ko pa ang mga
bagay-bagay. Pero sapat na marahil na sabihin na ako ang
tipong mapagtiis. Tiniis ko lahata ng bagay sa mundo
nang walang ibang taong nakakaalam. Namatay at namatay
si Nanay....wala siyang narinig kahit minsan na nagreklamo ako.
Minsan tinanong ako ni Nanay ng:
"Nagpru-problema ka ba? Bakit ganyan ka kapayat?
Parang wala ka nang kinakain ah!"
Sinasagot ko lang ng: "Wala po yun. Okey naman po ako."
Kahit sa iskul kung saan ako nagturo, walang nakakaalam.
Ang buong akala nila, `happily-married' ako.
Yun.....ang akala nila!

:::::



Naalala ko noong nasa High School pa lang siya.
Pag kuhaan na ng report card sa eskwela, sasabihan ako na
"Ma, magbihis ka, ha?"



Alam ko yun, gusto ni Dos na makita akong nakapustura
at hindi naka-uniporme ng titser. {Titser po kasi ako noon}
Kaya naman bitbit ko ang bestida at takong
bago ako magpunta sa kanyang HS sa may Espana, Manila.
Kahit kanda-kumahog ay bilis-bihis at ayos para hindi mapahiya
ang aking anak. Sapat na yung ngiti niya, pagod ko, biglang nawawala.


::::


Ngayon
nagbago na ang panahon.
Ayaw na akong ipakilala sa mga kamag-anak ng napangasawa,
dahil sa masyado raw "respectable" ang pamilya.
Paramg sinabing ang pagkatao ko, eh kasuka-suka.
Isa pa ng dahilan, Ninong daw kasi ang isa sa mga Boss niya.
Marahil nga, sadyang kasuklam-suklam ang kanyang inang nagpalaki
at nagpaaral, naggabay para maging matuwid,
nagbuhos ng luha't sakit para siya isilang sa mundo.
Siya na ayaw ng kanyang amang ipagpatuloy ang pagbubuntis,
siya na ayaw ng ina ng kanyang ama....hindi pa man siya
nailuluwal...siya na sobrang pasaway....
siya na muntik nang bawian ng buhay sa isang freak accident sa
Roxas Blvd. kung saan nagpra-praktis sila ng kanyang team
para sa isang kompetisyon sa dragon boat.
Kung wala ang aking katuwang, eh disin sana'y wala na siya ngayon....
Isang linggo sa ICU, bantay ng mga ka-grupo.
Mga kaibigan ko, nagsidalaw....nagdasal.




Laking pasalamat namin sa kanyang ikalawang buhay.
Ngpa-party kami sa Josephine's sa Roxas Blvd.
[bago ito nagsara] na dinaluhan ng
mga kaibigan niya. Pasasalamat sa 2nd life niya.
Makaraang lumabas sa ospital, nagpaggupit siya ng buhok.
Long-hair tisoy kasi siya dati. Tanong ko sa kanya noon:
"Ba't ka nagpaggupit? Bagay naman, ah!?"
Sagot sa akin: "Siyempre, 2nd life ko na,
bagong image na."
Isip ko noon: ` ay...lalong magiging mabuting bata.'
Isip ko ngayon,...`Bakit nag-iba?'




Hay...buhay!

Ganun pala talaga.






Mayo 26,2007 ng sila ay ikasal.
Nakita ko sa imbitasyon na nakunan ng larawan
[sa friendster].
Ilang buwan....taon na ba ang nakakalipas?
Siguro'y may anak na sila.
Hindi ko alam....baka nga.
Sino kaya ang kamukha? Mabait din kaya?
Ah! maraming tanong.....
pero tanong na walang kasagutan....
Hanggang kelan?
Ewan.





Ni wala silang komunikasyon......
...sulat man o tawag sa telepono.
Pareho naman ang numero sa telepono.
Ni sadyain ako sa bahay, hindi magawa.......
gayung nababalitaan ko naman na
nagpunta pala sa Kamaynilaan ang mga tauhan
ng Kompanya sa kanilang annual convention.
Nagagawa niya yun samantalang noong araw
kapag kailangan ako, isang tawag lang,
nakatakbo na agad ako
sa kanya para gumiya at magpayo.

Saan ba ako nagkamali?





Ganun ba talaga?
Ikinahihiya ang isang magulang kapag lumaki na?
Kung ganun, kawawa ang magulang
sa walang pusong anak.




Inggit ako sa mga anak na mapagmahal...
sa mga anak na malambing.




Iyak na lamang ang aking kapiling.
Kapag naaalala ko sila,
mga anak kong hindi ko nasisilayan
kahit na napakalapit lamang nila....
sobrang lungkot at uha ang aking kaasama.




Nasaan na ba kayo, mga nawawala kong anak?
Bakit?



Sana masaya kayo sa darating na Pasko.
Hindi ko man kayo makita,
iisipin ko na lang,
nag-abroad ka at nang sa gayon,
hindi masyadong masakit isipin
na wala ka na naman....
ngayong Pasko.

Si Uno naman, okey lang.
pero itong asawa eh maramot.
Ni ayaw pasilip ang apo ko sa kanya.
Sana alam ni Uno ang ginagawa ng asawa niya.
Lasa ko, hindi alam....
pero


ewan ko rin.


:::::::::::::::


_________________
*Damdamin ng aking Mader Dear
para sa aking Kuyang tila nagka-amnesia na.
Amen.

Thursday, November 26, 2009

Masaker sa Maguindanao


Nakakakilabot!

Yan ang sambot ng halos lahat kong ka-liga.
Basketbol ba?

Pati silang mga walang pakialam sa takbo ng buhay
nakapagsalita ng ganun. Paano ba naman, grabe talaga ang nangyari.

Sa huling bilang 57 na yata ang bangkay na nahukay
sa hukay kung saan sila inilagak.
Ang siste pa nito, ni-reyp muna raw ang mga kababaihan
bago sila pinagpapatay.

Sabi sa report, may kasamang taga-NEDA sa nahukay
na bangkay. Malas din naman nung mga nakasabayang
magdaan sa kalyeng dinaanan. Pati sila, napasama.
Tsk! Tsk! Tsk!


Hayup talaga sa bangis ang mga yun.
Parang ayoko na talagang magpunta sa Mindanao kapag ganyan ang
mga balita. Nakakatakot. Aba, hindi biro-biro yun ha?

Lekat pala ang kontrol nitong mga ampatuan sa Maguindanao.
Kinukunsinti naman ni aling glo kasi, nag-delber kuno ng
zero-vote para kay FPJ. Hanep talaga!
Kakutsaba si garci, ayun at naka-angat si hudas.

Hay naku, parang mga sanggano itong mga politiko.
May baril, may panakot, may badigard.

Ikaw, iboboto mo ba ang mga ganyan?
Why naman?

+++++





Sunday, November 22, 2009

Saludo kami sa iyo, Efren!


"Panalo ang Pinoy!" Ito ang sigaw ng kaibigan kong tumawag para ipaalam ang magandang balita.

"Talaga!?...saan?" ...sagot ko.

"Bilis, sa internet, nakapaskel. Remember the last time we sent the notice?" sabi sa kabila.

"Ahhh...yung internet voting?" tanong ko.

"Yun na!"

Isip ko, puwede ka pa lang hindi mayaman para mapansin sa buong kapaligiran.


Nanalo si Efren Peñaflorida na nagsimula ng "Kariton Klassroom" sa Cavite na nagtuturo sa mga batang lansangan.

******

According to the CNN website, Peñaflorida was selected after getting the highest number of online votes, which reached 2.75 million in seven weeks.

The 28-year-old teacher from Cavite City bested nine other contenders from different countries.

Peñaflorida received the award from actress Eva Mendes at the conclusion of “CNN Heroes: An All-Star Tribute” held at the Kodak Theater in Hollywood on Saturday night in the US.

He received $1000,000 cash to continue work with his group, Dynamic Teen Company, according to CNN.

The cash prize is on to of the $25,000 bonus that he received after he was included in the top CNN heroes.


"Our planet is filled with heroes, young and old, rich and poor, man, woman of different colors, shapes and tapestry." he said in his acceptance speech before an audience of about 3,000.


*****

Well, I must say this is recognition well-deserved.


Saludo ako sa iyo, Kaibigan!



Saturday, November 21, 2009

May K ka ba?

Usung-uso lately
ang mga salita at ngalang nagsisimula sa letter

K
.

O sige nga hulaan niyo kung bakit...

May sikat na artista at host: si Kris Aquino,



May ikinasal sa isang Senador, si Korina Sanchez.

Meron ding Pambansang Kamao,
although hindi ako bilib dito.


Na may Pambansang Kulasisi raw...
Sino kaya yun?
Sabi sa balita, si Krista raw,
anak ng dating nag-Kristo,
O...getz mo?
Aheh-heh!


May Pambansang Ilong din, di ba?
Si Allan K.

May Karaoke Band show sila ni Jaya, di ba?

****

O ikaw,

meron ka bang K?



Demolisyon job ng mga korap

Teka muna, teka muna, may bagong isyu ngayon:
Ito raw si Noynoy binabanatan nang husto.
Kinowt si Maceda nitong si Kumpare:
Buoot-butch daw ang ngalan nitong nagsabi.

****

Teka muna naman, ba`t kaya nasabi?
Nitong si maceda na akala mo`y malinis...pero aheheh!??
Di ba't nakakabit lagi yan noon kay Tita Cory?
Noong nanumpa sa pagka-Presidente?

****


Ayun nadiskubre, nitong aking Tita
Na si maceda pala`y may lihim na tangka.
Kaya naman nawala sa circulo ang palalo,
Natanggal.... naalis, nawala sa puwesto.


****

Di ba't nagsilbi rin yan kay marcos na diktador?
Nalaman ang diskarte kaya napalakol?
Sa oposisyon lumapit at naghimaktol,
Kapit-tuko kay erap, hawak ay demolisyon.



****

Teka lang, sandali...Kredibol ba yan, mga amigo?
Eh kahit si Arsenio Lacson nung buhay pa `to:
Di ba`t nasabing: "So young, yet so corrupt?"
O sige, nga, patunayan....kung hindi totoo!

****

Talagang tama ang mga may huwisyo;
Mga may alam at matatalino.
Di ba nga`t binabato, mga punong mabubunga,
Kaya panay banat kay Noynoy dahil obvious, wipe out na sila!

****

Mamatay kayo sa inggit!
Number one kasi sa survey.
Kulelat ang may kulasisi!
Heh-heh-heh!

****




Friday, November 20, 2009

Komisyoner

Sa Barangay namin, lugar na matrapik;
Dulo ng kalsada, sa likod ng ilog na maputik;
Dito maraming chitchat na nangyayari,
Lahat ng balita dito, apdeyted si Komisyoner.

****

Da who si komisyoner?

****

Siya si Mang Manok, namber wan sa mga `tambay sa dulo.
Laging nakaupo sa bangkong plastik sa bangketa
Umaga-hapon mapagabi man, andun siya, walang palya,
Nagmimiron-miron, nagmamasid siya!

****

Sa bawa't daan mo`y may bati ang komisyoner.
Tatanungin ka lagi kung gusto mong umorder.
Leche flan o ube, meron ding hamborger,
May tinapa, may bangus, meron ding isdang dinaing.

****

Kapag umorder ka, prend kayo, abot-tenga ang ngisi;
Kapag kuripot ka, singhal at isnab ang gets mo, Kuya.
Kapag hiniram mo, ang boy niyang alilang kanin,
May kotong agad ito, may komisyon sa lahat ng bagay.


****

Ganyan si komisyoner, sa komisyon nabubuhay.
Lahat yata hihingiin, `tas ibebenta rin naman....
Katulad ng kahoy, drum, lumang TV o anuman,
Lintik lang ang hindi kayang ibenta para sa inuman.

****


Isang araw dumaan ako't may pupuntahan
Binati ko naman, nguni't ako'y inirapan.
Yun pala'y galit at hindi ako makuhanan ng komisyon
Nitong matandang ubod ganid at kasuklam-suklam.

****

Ewan ko ba kung bakit tila walang hiya
Ang ganitong matanda' ngay kaming bata ang may sala?
Kapag hindi ka bumati, ika'y bastos at walang modo,
Kapag binati mo, kailangan "bumili ka ng tinda ko!"


****

Kay daming tsismis, parang bubwet,
Tsismosong namber wan sa buong kalye at paligid.
Kaya kuwidaw at mag-ingat kapag nasa kalye,
Eksersays daw ang layon, yun pala`y nagmimiron-miron.

****

Kawawang matanda, oo nga`t nais kumita;
Sana lang nama'y sa malinis at tamang paraan.
Tandaang ang buhay ay hiniram natin lamang....
Iwasan sana ang ganyang paraan.

****




Sa Tabing Ilog


Nagdaan ang maraming bagyo
pero marami pa rin ang bulag-bulagan sa totoong isyu.
Marami ang nakatira sa tabing-ilog sa phase2.
Isang colony ng iskwater na kay tagal nang nandito.

****

Paano ba naman, lilinis ang paligid?
Sangkaterbang kalat, dito hinahagis?
Lahat na lang yata ng plastik at basura,
dito nilalagay , kahit ng mga metro aide pa!

****


Ano ba naman, ang gagawin ko?
Kahit na bigyan pa ng maraming engkwentro?
Lahat sila na nagdaraan dito,
Iisa ang gawain, tapon doon, tapon dito!

****


Kaya nga noong mga nakaraang bagyo
Sabit pati mga homeowners dito.
Pasok sa mga bahay na kalapit dito,
Baha mula tuhod, hanggang bewang nga abot `to!

****


Tubig na kay rumi, kulay itim na dumaloy;
Amoy bulok na ebs, amoy lusak tambak dito.
Sa tagal ba naman....
Sakit at dumi abot lahat ng tao!

****


Tayo ang nagkalat, tayo ang dapat maglinis.
Dapat alisin ang kalat sa paligid.
Marahil ang mainam na solusyon sa problema,
Alisin ang iskwater, i-relokeyt sa iba!


*

Pasko Na!



Malamig na ang simoy ng hangin sa kapaligiran,
Marami na namang mga dekorasyong nakakakabit sa mga malls at pamilihan.
Marami na ring parol naka-displey sa tabing-lansangan.
May mga gumagawa at may nagbebenta rin naman.

Parol, Krismas layts, at mga halaman.
Krismas tri at mga iba pang kumikinang-kinang.
Malamig na hangin, masarap na kainin,
Iyan ang nasa isip kapag ganitong kapanahunan.


Bibingka't puti bungbong, tsaang mainam,
Sa Simbang Gabi'y hinahanap-hanap pa naman.
Kasama si Nanay At Lola sa simbahan
Kahit na malayo'y kaya naming lakaran.

Nguni't karamihan ay wala pa ring kinalaman,
kahit na Pasko, para ring pangkaraniwan.
Paano ba nama'y wala pa ring pinagkaiba sa kasalukuyan
Marami pa ring walang pag-asa sa kabuhayan.

Pasko Na naman, mga amigo't kaibigan,
Paskong walang-wala ang iba kong kaibigan;
Marami pa rin sa tabing-ilog ay kinukulang
Wala pa ring matinong pangsagip sa kabuhayan.

Kahit na ganito, wala na ring pipigil:
Iisa pa rin ang sambot ng sangkatauhan:
Pasko Na Naman, aking kaibigan:
Paskong isang kahig-isang tuka, muling titikman.

*


Ganun Ba Talaga?

May nabasa ako, galing sa puso.
May sulat ang Ama't Ina sa kanilang anak.
Ang pamagat ng sulat:
"Sulat Ni Tatay At Nanay"...

*

Naiyak ako, kahit na papaano,
pagka't feel ko ang nilalaman nito.

*

May Nanay rin ako, syempre...may Tatay rin!
At dahil close ko si Mama, kaya ko nasabi.
Halatang pigil mga luha't dalamhati
Kapag naiisip mga Kuya kong walang paki.
*

May mga Kuya ako, pero nagsipag-asawa na
umalis at umalis paalam man lang ay wala.
Kahit sa kasal ng pareho kong Kuya,
wala siMader, pagka't hindi inimbitahan.

*

GGayun din naman kapag may okasyon sila;
ni sa bertdey ng anak, lahat sila nandun....
Ni ha-ni ho...walang pasabi...
kahit sampung hakbang lang ang apartment nito.

*

"Ganun ba talaga, kapag nagsipag-asawa na?"
Yan ang tanong ng aking mahal na Ina.
Skdal lungkot ang mga mata niya
kapag naaalala...si Uno at si Dos.
*

Sagot ko naman, ewan ko sa kanila,
basta ako, Mader dear, ibahin mo ako.
Sapagka't ako, totoong tao:
may puso at pakiramdam sa lahat ng pasakit mo,
alam ko lahat ang nasa puso mo.

*

Naiyak si Mader na tinuran ko;
walang masakit na salita laban sa mga Kuya ko.
Ang sabi sa akin palagi ay ganito:
"Mahal ko kayong lahat, kayong mga anak ko."

*

Naawa ako, lalo na't tuwing Pasko,
kasi ba naman si Mama, palaging may regalo.
Pati ba naman sa apong ni anino'y `di masilip....
hayun, nakatago pa rin sa kahon at kabinet.


*

"Darating yun...darating sila..."
yan ang palaging bukang-bibig niya.
Lumipas ilang Pasko, wala pa rin sila...
palaging may dahilan, parating busy sila.

*

Pasko na naman, ayan Sintang Mama ko....
Pasko na naman, magkikita ulit tayo.
Salamat sa mga araw gaya ng Pasko,
basta't kapiling kita, sapat nang regalo.


*

Thursday, November 19, 2009

Hello Daigdig!


Hello Daigdig!
Maligayang pagbati sa lahat
ng mga nasa cyberworld.


Maraming nakapagsimula na at
marami rin ang mga nagbabasa....
katulad ko, kamakailan lamang.

Ngunit parang feel ko na makapagsulat
kahit na katiting man lamang
upang aking maipaabot
aking munting kakayahan...

gayundin naman ang aking kaisipan...
na nagpupumilit makaalpas
mula sa kanyang kinaroroonan.

May bumasa man o wala, okey na rin naman.
Ang mahalaga'y nailabas ko
yaring aking konting nalalaman
{kung meron man! }
*