May isa akong kakilala
Matagal-matagal na rin naman.
Noong araw todo-kayod:
Umaga hanggang gabi,
dalawang eskwela ang trabaho,
magturo ang forte.
Pag Sabado naman sa Diliman natungo
{kung saan ko siya nakilala}
Para lumawak....makapag-aral nang husto.
Pilit kumukuha ng units sa Grad School
Makadagdag man lang sa ranggo at suweldo.
Sa panahong iyon marami-rami na rin ang tiniis.
Asawang walang lakas manindigan sa sarili;
Asawang palagiang sa barkada nakakampi,
Di kaya`y walang trabaho at kung saan-saan nakapirmi.
Palibhasa`y ayaw masangkot mai-tsismis o mapulaan
Tinimpi ang sarili at walang pinagsabihan.
Pinilit ipakita sa lahat: Nanay man o kaibigan,
Ayos lang ang mundo niya, OK...ok lang.
Dumating mga pagsubok marami rin naman.
Sa apat ba namang anak na lalake, sino ba ang mawawalan?
Nguni`t sadyang mapagtiis, ma-"pride chicken" kung turingan,
Ayun walang nakaalam, wala ring nahingahan.
Lumipas ang panahon, sige tiis si Kaibigan.
Nagtinda ng lahat, para lang matustusan.
May bitbit na Tupperware, mga bag at sapatos,
Minsa`y Longganisa, Tocino at Barquillos.
Kapag enrollment na, perhuwisyong katakot-takot.
Loan sa SSS, GSIS, Malabon at Coop.
Sabay-sabay yan, walang pahinga, walang paltos
Kukulangin kasi, uniporme't pang tuition.
Ito namang mister ganun pa rin naman,
Palaging suspended sa trabahong ginagalawan.
Minsan isang linggo sa ibang lugar natira,
Minsan umuwi, minsan wala talaga.
Minsan isang araw may nanghingi ng tulong;
Gagawin siyang 'alalay' papuntang abroad.
Tinanong ang anak, pinag-usapan nang maayos,
Pumayag ang lahat sa meeting na idinaos.
Sa madali`t sabi nakapag-abroad
Itong aking Kumare na kakabog-kabog.
Kapalaran niya, hindi alam kung saan aabot.
Ang na-file na Leave of Absence, hindi na-approve.
Walang magagawa sapagka't siya'y nasa abroad.
Ginawan na lamang ng Early Retirement para may makuhang pera.
Kung hindi ganu`y baka ma-AWOL
At least nakakuha, retirement money mayroon.
Habang nasa abroad nagsikap at nagtrabaho.
Paaral sa anak, sa San Beda at tatlo pang kolehiyo.
Hindi biro ang matrikula, baon at pasahe,
Pagkain sa araw-araw, talagang terible.
Makalipas ang dalawang taon, umuwi na si Kumare.
May dalang kaunting ipon at istoryang malaki.
Samantala itong asawa na naiwan sa bahay
Umuwi at dili, ni singkong duling walang naitabi.
Nagsumbong ang dalawang panganay na wala raw silang pagkain.
Tinitipid nang husto ang pagkain sa mesa.
Tinanong ni Dos: ...."nagpapadala ka ba ng pera?"
"Siyempre!" ang sagot ng aking Kumare.
Paano ba matitiis ang apat na anak?
Hindi ba sapat na siya'y nagsikap?
Malaking gulo ang nangyari pagkaiglap,
Kinausap ni Kumare ang asawang walang sinagot kundi irap.
Humulagpos ang galit, hindi matawaran,
Hindi niya matiis ang kinahinanatnan.
Nagsalita si lalake, "Sige, mag-asawa ka na lang ng foreigner,
padalhan mo na lang kami, ako na ang bahala dito."
Nagpanting ang tenga nitong aking kumare.
Hindi malunok ang sa kanya`y sinabi.
Hindi makapaniwala sa kanyang narinig,
"Kung ganun din lang, hindi ka kasama sa plano ko,"
sinigaw sa lalake.
Lumayas ang lalake, tutal hindi naman daw sila kasal.
Umalis at wala nang kontak sa pamilyang iniwan.
Ito namang si Kumare, kalauna`y nag-asawa na rin
Tinotoo ang na-suggest nitong si lalake.
Bumalik sa abroad ang aking Kumare....
Habang walang paltos, padala sa apat na anak.
Ayos na rin sana ngunit may mga pagsubok
Dumating ang papel galing sa GSIS at ito ang
eviction paper.
Balik-maynila agad ang aking Kumare,
Deretso sa Housing Loan ng GSIS at nakiusap.
Ni isang pera wala ring naihulog
Kaya babayaran sa limang taon ang kalahating milyong pabahay.
Unti-unti lumiwanag ang daan.
Isa-isang nagtapos ang anak na naiwan.
Nabayaran lahat utang na naiwan,
Inayos ang lahat pati ang kabahayan.
Nagkabakod, natagpian, napinturahan
[makalipas ang dalawampung taon] ang buong kabahayan,
Naayos din naman ang pagkaing kailangan.
Nadamitan nang maayos mga guwapong anak,
Maganda ang tindig, hindi na payating tingting.
Lumaki at natapos [sa wakas!] ang mga anak niya
Nagtrabaho at nakapasok sa iba`t ibang Kompanya.
Maayos ang bihis, de-kotse ang lakad,
Tuwa ng Ina, hindi maisalarawan.
Minsang umuwi ang aking Kumare,
Dadalawang araw pa lang siyang sa bahay nang
May dumating na kasamahan sa Dragon Boat Team.
Naaksidente si Dos. Agaw-buhay at muntik malunod.
Deretso sa PGH ang kuya at Ina;
Pagdating sa ICU hindi mapigilan ang maiyak.
Parang sinaksak ang puso niya,
Nakitang nakaratay, panay tubes at kung anu-ano pa.
"Green slimes & dirt" na palabas sa tubong galing baga,
Nakalunok daw ng tubig sa Manila Bay.
Tumaob ang bangka habang nagprapraktis,
Ayun ang nadaganan ang anak na giliw.
Makalipas ang dalawang araw, dumating ang Amain.
Pagsundo pa lang, ang tanong agad ay: "nasan si H?"
Parang may ESP, yun agad ang baling.
Deretso sa ospital, naiyak sa tabi.
Fast forward ngayon , ilang taong makalipas...
Nagpakasal itong naaksidenteng Dos ngunit ni isang pasabi wala.
Ang siste, nakita ni Kumare sa Facebook:
pangalan niya ang nakasulat, ibang babae ang naghatid sa simbahan.
"Masakit, masakit!"...yun ang laging sambit.
Para kang pinatay, sinaksak nang ilang ulit.
Nag-asawa ang dalawa...ni anino, wala.
Balita o dalaw....wala man lang pasabi.
Ito namang panganay na kanyang inasahan,
Nag-asawa, natural, magsasarili.
Eto ang siste: pang-down payment sa apartment
Galing pa rin kay kumare....
Idagdag mo pa ang pabinyag, refrigerator at
groceries.....pampers at baby cart, sagot pa rin ng Ina.
Nagtrabaho sa UN, nag-abroad sa Africa...
Biglang nagkaroon ito ng amnesia.
Aba! Nakalimot tumawag o mangumusta.
pati ba naman si Kumare, hindi na nadalaw kahit on-leave siya.
Ilang Pasko na rin, pati ang apo niya
Ayaw dalhin nitong babaeng kanyang napangasawa.
Sabi ni Kumare: "Totoo pala ang sabi: `My son is my son
Until he gets himself a wife.'
Na-kontrol na nga ang anak ng ASaWANG salbahe.
Zero contact ngayon, kesehodang balik-Pinas
itong aking Kumare.
Ang naiwan lang sa bahay nila ngayon
Itong isang anak na bunso at ang pangatlo.
Ang dalawang ito ang gusto sana ng ama na ilaglag noon...
Pilit pinainom si Kumare, pero hindi yun kinaya.
Mahirap mabuhay sa mundong ibabaw.
lalo din namang mahirap magpakatao.
Kapag walang utang na loob sa puso ninuman,
Walang mararating na paroroonan.
Pagpapasalamat sana na galing sa puso,
Ibigay sa nagsikap, naghirap at nag-ayos.
Walang gastos magsabi:"Salamat Po."
Walang mawawala, bagkus magiging kagalang-galang ka pa
sa paningin ng Diyos at ng kapwa tao.
Hoy! Gising!
No comments:
Post a Comment